"Wika: Filipino't Katutubo, Tabak Nang Ang Pandemya'y Masugpo"

 "Wika: Filipino't Katutubo, Tabak Nang Ang Pandemya'y Masugpo"

   _Teofilo S. Valicuatro Jr. 


Wika ma'y iba-iba, iba-iba rin angking bisa't halaga.  

Sa kabuhayan, tangan-tanga'y ginhawa't pag-asa. 

Kawangki'y tanikala, sa kaakuhan ng madla, pamigkis ng puso't diwa.

Tabak at kalasag sa pagsugpo, sa mikrobyong hatid ng mabalasik na sigwa (pandemya). 


Sa kasagsagan ng pagninilay-nilay sa'king pagliliwaliw. 

Nakamalas ng larawan, ang ganda'y nakahuhumali't nakatatawag-pansin.  

"(1) Bangka, (2) tatlong taong lulan, (3) pagsagwan, (4) alon at (5) sagwan(g) " nakamamanghas' paningin.

Nalulukuban ng 'di maliparang-uwak na nilalaman, kung pakahimayi't pakaaninawin. 


BANGKANG sumasagisag nitong bayang ubod-hirang. 

Inang bayang nahawaan ng pandemya, buhat sa bansang dayuhan. 

Nagdurusang mamamayan, pinagkaitan ng kasarinlan, kaligayaha't nangangapa sa kalugmukang nararamdaman. 

Tahana'y isinipiitan, sa takot na mahawaa't malagasan ng buhay! 


Luzon, Visayas, at Mindanao, kumatawan sa TATLONG TAONG NILULAN. 

Dambuhalang-pulong humahati't bumuo nitong bayang kinamulatan, ginagalawa't kinalakhan. 

Ngayo'y unti-unting nabibitak, bunga ng kawalang kapatiran ni ng kalumbaya't kahapisan. 

Inaadhika ng mamamaya'y masupil at matuldukan, yaring pandemyang kumitil ng 'sang-angaw na buhay't kabuhayan! 


Sinundan ng PAGSAGWANG, ang isinisimbolo'y Pagkapapatira't Bayanihan. 

Katangia't kaugaliang maharlikano't maharlikanang, bukal sa loob ang pagtutulong sa nangangailangan. 

Tulong-tulong, kapit-bisig, kaya't bayanihan ang dito'y mainam na ituran. 

Kawang-gawang kay simple, subalit tigib ng kaluwalhatian. 


Ang ALONG hinalaw sa larawan, sumasalamin sa gabundok na pagsubok at suliraning-pasanin ng bayan. (partikular na, pandemya-NCOV2K19). 

Suliraning nagpahina sa pundasyon, paniniwala't katatagan ng mga taong tinatamaan. 

Suliraning, siya ring nagtuturo ng pagiging matapang at kung pa'no lumaban sa bawat pagkatalo't pagkarapang mararanasan sa buhay.

Karanasang magsisilbing tulay, sa landas ng kadalisayan, na sa'yo'y inilalaan.  


Sa imaheng pinagbuhatan, SAGWA'y tumatayong bantayog sa kadakilaan ng wikang Filipino't Katutubo. 

Wika ko, wika mo, wikang instrumento sa pagpalalaganap ng tamang impormasyong nangyayari minu-minuto. 

Ito'y kasangkapang nagsisilbing daan nang mabigkis yaring diwa, puso't kaluluwa ng mga tao. 

Nang sa gayo'y maibsan, pagkabahala, pangamba, panganib at pagkalito. 


Kung pakasulsihi't pakatagpi-tagpiin, 

Bansa'y nakalutang papawiring-suliranin.

Kapatira't kabayaniha'y pagyamani't palaganapin. 

Kakasangpi'y wikang bukam-bibig, sa lugar na kinabibilangan natin. 


Wikang magsisilbing sandata, sa kinahaharap na pandemya. 

Wikang uudlot, sa kalipunan ng alimuom o balitang kutserong nauulinigan sa tuwi-tuwina. 

Wikang angkop na ginagamit, ibinabalita't nauunawaan ng madla. 

Wikang Filipino't Katutubo, nagsisilbing tabak sa pagsugpo ng kadilimang hatid ng pandemya. 


Kapuwa ko, maharlikana't maharlikano, pagkalat ng pandemya'y 'di biro, hatid ay mabalasik na alimpuyo! 

Sinasamantala't sinasakyan pa ng mga impaktong mapanghasik ng alimuom o balitang-kutsero. 

Sangkatauha'y pinamugaran, ng takot, pangamba't pagkalito. 

Buhay ay nalalagas, menu-menuto't segu-segundo. 

Kabuhayan animo'y halamang ubod-lanta't dusta, nagmimistulang impyerno! 


Kung sasandiga't salalaya'y kasalukuyang tema ng Buwan ng Wikang Pambansa. 

 “Wika ng Kasaysayan, Kasaysayan ng Wika” Ang mga Katutubong Wika sa Maka-Filipinong Bayanihan Kontra Pandemya. 

Sikat ng araw sa angking linaw, ang katutura't kabuluhang kaloob ng Filipino at mga katutubong wika sa bansa. 

Ang pagkakaroon ng bayanihan sa isip, sa gawa't sa wikang isinawiwika bílang mabisang sandata sa pakididigma laban sa nag-uumapoy na kabalasikan ng pandemya.


Bakuna ng pandemya'y isinailalim pa man din sa masusing pag-aaral, kaya't 'di pa p'wedeng gamitin. 

Pero kapag napapanatili ang katapatan sa sarili't sa wikang ginagamit natin. 

Pandemya'y maiibsa't 'di makasusupling sa sarili, pamilya't kapuwa natin. 

Disiplina sa sarili't tungkuli'y siyang laging pairalin. 


Kapagka, wika'y kawangki ng ispada't sibat. 

Sa angking katalima'y nakauukit ng sandamakmak na sugat. 

Sa kasagsagan ng paglaganap ng pandemya, panaghunus-dilia't gamitin nang ubod-tapat, 

Iukit sa puso't diwang ito'y 'sang tabak, na pansamantang humahalili sa bakuna ng pandemya nang ito'y maudlot at magwawakas.

        -tHe EnD 😊😊


Sa mga nasa unahan (Front liners), sa kabayanihang angkin, kayo'y taos-puso kong pinasasalamatan. 

Sa inyong determinasyon, katapanga't katapatan sa tungkulin, kayo'y sinasaluduhan kong tunay. 

Ang kabutihan niyo't kabayanihan, matutumbasan din ito ng biyayang walang kapantay. 

Gabayan, adyaha't pagpalain nawa kayo lagi ng Poong Maylalang.

Lagi kong ipinagdrasal ang inyong kaligtasan.

Comments

Popular posts from this blog

TULA PARA SA'YO AKING SINTA

"Saan Ka Man Pumaroon, Ako Sinta'y Naroroon"

"Hayaan Mong Mahalin Kita sa Paraang Alam KO" (H.M.M.K.S.P.A.K)