"Saan Ka Man Pumaroon, Ako Sinta'y Naroroon"

 "Ugat ng punong kahoy na malabay ang taos-pusong pagmamahal, kapagka habang tumatagal, ito'y patibay nang patibay. Daanan man ng malupit na hagupit ng bagyo't ula'y mananatili itong nakatayo nang lipos ng katatagan-ngayon, bukas, at magpahanggang sa libingan man!"


"Saan Ka Man Pumaroon, Ako Sinta'y Naroroon!"

       _Teofilo S. Valicuatro Jr. 


I. Kung sa durungawan ng bahay niyo

sa tuwi-tuwina'y may dumarapong paruparo

lumilipad nang labas-masok, tangan-tanga'y pagsuyo

'pag napapawi nito ang lumbay sa'yong puso.... 

Giliw, iya'y AKO! 


II. Kung sa'yong paglalakad tungong paaralan

ika'y may nadaraanang ibong sari-kulay

na ang isinadidila'y maririkit na "Kundimang"

salamin ng pag-iibig, nating pulot-pukyutan..

Iya'y AKO, Hirang! 


III. Kung ika'y dumarako sa mga liwaliwang pook

nang ang pagod ay mapawi't sa ligaya'y mapupuspos

at may 'sang bulaklak na ang anyo'y kalugud-lugod

na 'pag iyong tinunghayan, sa hiya'y nangagkatitiklop... 

AKO iyan, Irog! 


IV. Kung araw ng Linggo, sa bahay-dalanginan

ika'y mapayapa't mataimtim na nagdarasal

at 'pag sa mga mata mo'y may luhang sumungaw

luha ng kaligayahang walang mapagsidlan...... 

Yao'y AKO, Mahal! 


V. Kung 'di ka makatulog sa gabing ubod-payapa

sa bintana'y dumungaw ka't sa alapaap tumingala

kung may maaninag kang 'sang tumatangis na tala

at ika'y napatakan ng sinag ng kaniyang luha.... 

Iya'y AKO, Sinta!  

 

VI. Kung ang puso mo'y nalulukuban ng lumbay

pangungulilang siyang sanhi'y kailangang tuldukan

'pag may yumapos sa'yong hangin buhat sa dakong Silangan

at ang hapding nararamdama'y utay-utay na napaparam....

AKO iyan, Hirang! 


VII. Kung inaaadhika mong ako'y masilayan

ako na taos-pusong sa'yo'y nagmamahal

sa silid-aklatan ng ating nagdaan

saliksikin ako't kung masilaya'y hagkan! 


VIII. 'Di man maliparang-uwak ang santinakpan

nagkaiiba-iba rin ang lupang ating tinubuan

sikaping isatitik sa puso't diwa mo, aking hirang

"mga mata ko'y Lawing sa'yo'y nangagkababantay!"


TANDAANG:


"Kung mayroon mang higit na nakaaalam kung gaano kita kamahal, iniingata't pinahahalagahan, isang daang bahagdang ikaw yaon HIRANG. Pagsumikapan itong maipunla sa'yong puso't isipan nang ito'y 'di maparam magpakailan pa man!"


#happy_32nd_monthsary 💞

#i_love_you_beyb 💝

#stay_strong 

#stay_safe


#May_God_Bless_Us_Always 🙏

Comments

Popular posts from this blog

TULA PARA SA'YO AKING SINTA

"Hayaan Mong Mahalin Kita sa Paraang Alam KO" (H.M.M.K.S.P.A.K)