"Pagsagugunita ng Pagsintang Pinagsaluhan, Buhat sa Nakaraan, Tungo sa Kasalukuyan!"
"Pagsagugunita ng Pagsintang Pinagsaluhan, Buhat sa Nakaraan, Tungo sa Kasalukuyan!"
_Teofilo S. Valicuatro Jr.
I. Ang bakas ng kahapon, kung pakagugunitain;
Buhat nang nangagkatagpo, magkaibang landas natin.
Puso'y nabihag sa tingin mong makalaglag-matsing;
Naniningalang-pugad, nang ang pagsinta'y maangkin!
II. Angking pagkakilanla'y 'di makabasag-pinggan;
Mayumi, maamong kordero't mahapayang-gatang!
Naging sentro ng kaligayahang walang mapagsidlan;
Siyang nag-udyok, nang ang damdami'y maisalarawan!
III. Binuksang ganap, nilalaman nitong dibdib;
Dagang dito'y nananahanan, kailan ma'y 'di nagpalupig!
Pulot-pukyutan mong OO'y tahasang nasungkit;
Puso'y pinagtali't nagkaisang dibdib!
IV. Kapuwa isa't isa'y nilipos ng pag-irog;
Pagsasama'y tigib ng ligaya, kapagka, bukal sa loob!
Katapatan sa panata'y, siyang nagiging moog;
Ni naging salalayan, sa oras ng paglubog!
V. Mundo'y umiinog nang kidlad sa bilis,
Tulin ng mga pangyayari'y, walang kawangis;
Bahag-haring alaala, ang sa puso't diwa'y nakaukit;
Kapit-tukong nakihihidwa, sa mga hamong mabalasik!
VI. Katangiang ningas-kugon, sa puso't diwa'y kinitil;
'Di pinagbubukas, ang sa ngayo'y makakayang gawin!
Guso't ng relasyo'y kinukumpuni nang taimtim;
Inaagapan nang maaga, nang 'di abutin ng takip-silim!
VII. Angking kapalalua'y halilihan ng pagpakukumbaba;
Gayon din ng kabusilakan ng kalooba't pagpararaya.
Kapagka sa relasyo'y nagsisilbi itong banta;
Kalawang na rito'y gugupok at gigiba!
VIII. Katapanga'y 'di lang sa digmaan masisilayan;
Maging sa kung pa'no iangat, pagsintang pinagsaluhan!
Gabundok na determinasyon, ang puhunang kailangan;
Nang mapamayani ang pinipithayang kagitingan!
IX. Aklat ng pagsasama'y, lipos ng blangkong pahina;
Nang dahil sa bantang hatid, ng distansiya't pandemya!
Ang mapunan ito'y siyang nilulunggati sa tuwi-tuwina;
Nang tayo'y makapaglimbag ng sariling obra-maestra!
X. Kapagka ang makaranas ng pangungulila't kalumbaya'y 'di maiiwasan;
Gunitaing muli pagsintang pinagsaluhan, buhat sa nakaraan, tungo sa kasalukuyan!
Ito'y magsisilbing salalayan nang makanlungan, ang iyong nararamdaman;
At nang ang puso mo'y malipos ng kaligayaha't kaluwalhatiang walang hanggan!
#happy_28th_monthsary_beyb 😊
#GOD_IS_LOVE 💖
Comments
Post a Comment