TULA PARA SA'YO AKING SINTA


“Tula Para Sa’yo Aking Sinta”
ni: Olifoet S. Ortaucilav Jr.

Mahalimuyak na ngiti ng araw
Bukod-tanging tinutura’y ikaw
Sa naidlip na pagsinta’y  uhaw na uhaw
Pagsintang walang halo’t tanging sa’ iyo’y  nakahalaw

Tatlong masukal na kabundukan
Sama-sama nating  tinahak, tinibag at napagtagumpayan
Damhin mo’t sa’yo’y aking ituturan
Oktubre, Disyembre’t Enerong handog ay kagalakan

Distansiya ma’y namagitan sa’ting dal’wa
Gabundok na balakid, hamon, suliranin, ni temtasyo’y ‘di makagigiba
Pagkat kapuwa puso nati’y binigkis ng Diyos Ama
Gamit ang kapangyarihan ng pananampalataya

Tunay ngang palaso ni kupido’y may angking lasong nakahahalina
Pagkat sa bawat pananahong dadalaw ka sa’king gunita
Puso animo’y payaso nagtatampisaw’t nagpakalunod sa kalautan ng ligaya
Ligayang ikaw lang aking irog ang nakapagpadarama

Sadyang napakalalim man ng mga imahe, simbolismo’t tayutay
Pero ‘di nito kayang higitan ang pag-ibig na sa’yo’y iniaalay
Kapara’y ngiti ng haring araw sa bukang liwayway
Kung ‘di mo tatantuhin, ‘di mo masisisid ang halaga nitong taglay

Sa mapaglingap mong mga kamay
Araw-araw puso ko, sa galak ay naghuhumiyaw
Na animoy hamog ng mapamugpog na ulan
Sa mala-gintong sisidla’y patuloy na umaapaw

Sa pagtatapos ng tula kong ‘to
Subukang iukit at ipinta sa puso’t isipan mo
Na kahit pagbabaliktarin man ang sansinukubang ito
Wala ninumang makahalili sa’yo sa loob ng puso ko


# TO GOD BE THE GLORY
# GOD IS GOOD ALL THE TIME
# GOD IS LOVE








Comments

Popular posts from this blog

"Saan Ka Man Pumaroon, Ako Sinta'y Naroroon"

"Hayaan Mong Mahalin Kita sa Paraang Alam KO" (H.M.M.K.S.P.A.K)