"Suliraning Kay Bigat, Sa Puso'y Lumilok ng Sugat"
"Suliraning Kay Bigat, Sa Puso'y Lumilok ng Sugat"
_Teofilo S. Valicuatro Jr.
I. Minu-minuto't segu-segundo,
Pumaroon ka ma't pumarito.
Magtago ka ma't tumakbo,
Pasaning-suliranin, animo'y asong nakabuntot sa'yo.
II. Sa hirap at bigat, angking katapanga't Katataga'y nagkasugat-sugat.
Kalugmuka'y nangibabaw, sa kalumbaya'y nangingiyak-ngiyak.
Determinasyong bundok sa tatag, mistulang bunga ng digmaan, dustang-dusta't nagkawasak-wasak!
Bunga ng suliraning malakidlat, sa talim at talas, kawangki'y hasang-hasang sibat.
III. Pasaning-suliraning ubod-bigat,
Sa puso ninuma'y lumililok ng sugat.
Umuukit ng dungis, sa hangaring tigib-tapat,
Ang kariwasaan ng buhay, pamumugaran ng alimpuyong hirap.
IV. Luha, dugo't pawis,
Sulsihi't pagsumikapang mabigkis.
Nang ang pasaning-sulirani'y, tangayin ng agos ng batis.
At ang karukhaa'y hahalilihan ng kaluwalhatia't ligayang walang kawangis.
Comments
Post a Comment