KABATAAN, HUMAYO'T MISYO'Y ISAKATUPARAN (Filipino Youth in Mission: Beloved, Gifted, Empowered)


“Kabataan, Humayo’t Misyo’y Isakatuparan”
ni: Olifoet S. Ortaucilav Jr.
I.                   
Sa bawat pag-inog nitong sanlibutang mahal
Lahi ng kabataa’y siyang masasalami’t masasasaksihan
Kawangis ay payasong sa pigi’t pagtitipo’y nagtatanghal
Handog ay lugod at galak sa mapaglingap at masintahing inang bayan
II.                  
Kung may tagsibol, mayroon ding taglagas
Pagkakaroon ng simula’y may kaakibat na wakas
Katanghalian ng buhay, paglulundua’y buhay-karapit-hapunan
Salaming nagpahihiwatig ng kasalata’t kasaganaan
III.               
Kabataan, tinurang kasalata’y siyang dapat na malinang at mapunan
Kasaganaang isinawalat, gawing ehemplo’t tuntungan
Paigtingin ang buhay at pag-ibayuhin ang tapang!
Gabundok na hamo’t suliranin kayo’y ‘di malulupig ni mahahadlangan
IV.               
Humayo kayo’t misyon niyo’y simula’t isakatuparan
Talentong kaloob, gamitin nang makabuluhan
Kapuwa magaa’t mabigat na tungkulin, dapat ay magampanan
At kayo’y kalulugdan ng butihing Poong Maylalang
V.                  
Sa pagsabubuhay ng itinalagang misyon
Humingi ng pamatnubay sa bawat gagawing desisyon
Mataimtimang panalangin, ihandog lagi sa mahal na Panginoon
Upang buhay ay gumanda sa’n ka man pumaroon
VI.               
Kayong kabataang minahal, biniyayaa’t binigyang-lakas at kapangyarihan
Tinagurian kayong dakilang pag-asa ng sanlibutan
Misyon niyo nawa’y matagumpay na magagampanan
Ibangong muli, nagupok na puri nitong inang bayan
VII.            
Magandang balita’y inyong palaganapin
Ikintal sa puso’t diwa ang kadalisaya’t kabutihang ipinamana sa’tin
Mabubuting nagawa, nagagawa’t magagawa pa’y laging pakabaunin
Ingata’t protektahan magpahanggang-libing.
VIII.          
Pagtawag sa inyo’y dinggi’t talimain
Malinis na kalooba’t marangal na adhikain
Ipagmalaki’t isiwalat, inyo ring palaganapin
Kikintab kikinang na animo’y isang bituin
IX.               
Kaya ang samo ko sa sinuma’t alin
Kabataan nawa’y sa pangaral busugin
Mabubuting gawa nila’y pakapurihin
Upang mapanatili ang katapata’t pagmamahal,
 sa dignidad at  tungkulin. 

#GOD IS  LOVE

Comments

Post a Comment

Popular posts from this blog

TULA PARA SA'YO AKING SINTA

"Saan Ka Man Pumaroon, Ako Sinta'y Naroroon"

"Hayaan Mong Mahalin Kita sa Paraang Alam KO" (H.M.M.K.S.P.A.K)