Kalikasan: Lingapi't Pakamahalin
“Kalikasan: Lingapi’t Pakamahalin”
ni: Olifoet S. Ortaucilav Jr.
Buksan yaring naghuhumilik na puso’t isipan
Aninawi’t aninagin angking ganda ng kalikasan
Bumuo ng repleksiyo’t ibayong paninindigan
Kung tama bang ito’y pabayaan, dustahi’t hamaking tuluyan
“Tiyaking maisapaa angking sapatos ng iba,
Upang maging mulat ka sa naramdaman, nararamdama’t mararamdaman nila,”
Ang kapabayaa’t paniniil mo nitong inang kalikasan nawa’y maigpawan na
“Wika pa ngang “sa langit lumura sa mukha tumama”
Punlahi’t itanim sa isipang bagong silang
Kalingahi’t payabungin sa puso mong mapagdamdam
Ang naglalakad nang mabagal kung matinik ay mababaw
At ang naglalakad nang matulin kung matinik ay malalim
Desisyo’t paninindigan iukit nang may katiwasayan
Nang hindi magbadya ng mapusok na kahihinatnan
Kalikasa’y ingata’t gawing sandalan
Puso’t Kalooba’y buksan nang mataimtiman
Sa oras ng kalamidad kaakbay yaring kalikasan
Pagguho ng lupa lagi niyang pinipigilan
Maubos man lahat ng lakas niya’t kasiglahan
Ito’y hindi alintana basta’t kaligtasan mo siyang pag-uusapan
Kalikasan animo’y buhay sa sandaigdigan
Maliban sa katotohanag ito’y namumukod-tanging hiram lang
Kailangan din itong mahalin, ipaka-preserba’t paka-ingatan
Upang sa araw ng paghuhusga wala kang pagkukulang ni mapagsisisihan
Sadyang napakasaklap ng katotohanan
Na sa kawalan ng pagpahahalaga’t paggalang
Nadadamay yaring inang kalikasan
Na isang biyayang-hiyas mula sa mapagpalang Diyos ng sa kaitaas-taasan
Ang kabundukan na dati’y berdeng-berde pa!
Ang karagatang dati’y bughaw na bughaw pa!
Ang kaalaapang dati’y paraiso ang kapara
Naglaho ang ganda na animo’y isang mahiwagang bula
Kung babakasing muli karagatan nang dakong una
Sa paninisid mo’y perlas ang madarakma
Kung paninisid ka sa karagatan ngayon, may perlas pa ba?
Wala na nga ! wala !
Basura dito, basura doon
Basurang animo’y bulok na sitema ng pamamahala ngayon
Maliban sa katalamakang kahirapan, krime’t korapsyon
Sa puso’t diwa ng balana ay siya ring humihigop at lumalason
Kung ating gugunitaing muli ang mala-haraya’t maririkit na bukirin
Iyong masisilayang ang mga hayop ay humihimig ng sariling awitin
Ngayo’y kung ating pakahimayi’t pakasuriin bukirin ay nalulukuban ng
dilim
Kahayupa’y nananaghoy, namimighati’t naaagnas na animo’y asin
Kaya ang samo ko sa sinuma’t alin
Inang kalikasa’y pakaingatan, pakalingapi’t pakamahalin
Magkapit-bisig tayo kasaganaa’t kadalisayan pakamithiin
Ibalik ang ganda’t kinang ng kalikasang mala-bituin
Kapagka ang naghahangad ng kabusilakan sa kalikasang kinamulatan
Puso’t diwa’y pananahanan ng ligaya, kadalisaya’t katahimikan
Buhay na dati’y hitik ng kapanglawa’y maliliwanagan
Perlas na pagsinta mo’y kukupkupin nitong kalikasan
#GOD IS LOVE
Comments
Post a Comment